Saturday, July 25, 2009

Alam mo ba?


Alam mo bang minahal kita?
Sa tuwing tayo'y magkayakap, araw man o gabi, paulit-ulit na tumutunog ang kampana ng "Mahal Kita". Sa tuwing lilipas ang araw na ikaw ay kasama, buong ligayang hinahagkan ko ang mga alaalang iniwan mo. Ang amoy mo sa aking balat. Ang pabango mong ni minsan ay hindi ko nakalimutan. Ang tawa mong kay tamis sa aking pandinig. Ang bawat salita, ang bawat pilosopiya sa buhay, ang bawat kantang paiba-iba na tila ay nakiki-ayon sa iyong nararamdaman. Hinagkan ko sila ng buong puso, ng buong buhay ko at pinangako sa sariling mamahalin kita habang nabubuhay ako.

Alam mo bang minahal kita?
Sa tuwing pinagmamasdan kita sa iyong pagtulog, nalalakbay ko ang mga posibilidad ng isang habambuhay kasama ka. Sa tuwing magigising ako sa yakap mo, sa halik mo, nabubuksan ko ang aking mga mata sa pangakong sana iyong mga yakap at halik ding yon ang gumising sa akin sampu, tatlumpu, limampung taon mula ngayon, hanggang sa makalimutan na natin ang mismong pangalan ng ating mga apo. Sa bawat hatinggabing pilit nating pinababagal. Sa bawat pagsalubong ng ating mga mata, ng ating mga labi. Pati na rin ang pag sang-ayon ng tila kambal nating pag-iisip. Nakatatak na sa aking kamalayan ang bawat salitang binitawan mo sa ilalim ng mga nagkikislapang mga bituin. I love you. Mahal din kita.

Alam mo bang minahal kita?
Sa tuwing may nababalitaan akong bagong babae sa buhay mo, walang malay kong nilalasap ang kirot, ang sakit sa katotohanang hindi malayong mahulog ang loob mo sa iba. Sa tuwing namamasdan kita na may kasamang iba sa mga litratong kulang nalang ay sigawan ako ng "Tanga ka!", sa bawat bote ng alak na inialok nila, sa bawat butil ng pagtinging ibinaling mo sa kanila. Sa bawat paghawak mo ng kanilang mga kamay. Sa bawat pagpilipit mo ng kanilang mga daliri para lang malagyan ng init ang naglalamigang mga puwang sa iyong palad. Sa bawat pag-akbay. Sa bawat yakap, sa bawat halik. Sa bawat paglusong ng mga marurupok na pangangailangan ng inyong mga katawan. Kasabay ng pagbiyak ng aking puso ay ang pagbabaka-sakaling hindi pa rin nagbabago ang iyong pagmamahal. Kasabay ng pagbagsak ng aking mga luha ay ang pangakong balang araw, hindi ka na mag-iisa. Kasabay ng pagguho ng aking mundo ay ang walang tigil na tawag ko sa Diyos, na sana hindi ako mapagod. Na sana, kaya pa rin kitang patawarin. Na sana, may magandang buhay pa rin na naghihintay para sa atin sa bukana nitong mga pagsubok.

Alam mo bang minahal kita?
Sa tuwing mag-isa kong hinaharap ang mundo simula noong araw ng paglisan mo, para akong anghel na nawalan ng pakpak na kahit anong pilit na lumipad, kahit anong pilit na bumalik sa pinanggalingan, hindi na kayang lisanin ang katotohanang wala ka na. Sa bawat pag-iyak ko sa kanyang puntod, sabay naming hiniling na magbalik ka. Sa bawat pagbuhos ko sa kanya ng aking kalungkutan, sabay naming hiniling na sana kapiling ka. Sa bawat takipsilim. Sa bawat alaala. Sa bawat pagtiklop ng mga bulaklak sa hapon at sa bawat pagbukas ng aking mga mata sa walang-kulay na mundo. Hindi na matatamis na tawa at maalagang mga ngiti ang gumigising sa akin kundi ang kirot sa realidad na wala ka na. Wala ka na..

Alam mo bang minahal kita?
Sa tuwing nababasa ko ang iyong mga kasinungalingan, hindi ko mapigilang kamuhian ka. Sa tuwing magpapaliwanag ka na tila naging sirang plaka ka na sa paulit-ulit mong pagsambit ng mga nasabi mo ng mga dahilan. Sa bawat paghingi mo ng tawad na para bang ang "Sorry" mismo'y nawalan na rin ng kahulugan. Sa bawat galit na ikinumot mo sa akin. Sa bawat sama ng loob na matagal ng pilit itinatago sa kaloob-looban ng aking puso. Sa bawat pagbukadkad ng iyong kawalang-hiyaan. Sa bawat pagbunyag nila ng iyong pagtataksil ay unti-unti akong nasira, napunit, nawala, nahulog sa malulupit na mga kamay ng kalungkutan. Kinupkop ako ng kadilimang wari ay matagal na akong inangkin. At sa aking sarili ako'y nagtanong.

Alam mo ba talagang minahal kita?
Ang pagmamahal mo ba ay pawang kasinungalingan lang? Kagaya ba nila ko? Panakip-butas. Panandaliang kaligayahan. Pamatay uhaw. Pantawid sa gutom? Ni minsan ba'y tinuring mo din akong iyo at iyo lamang? Naisip mo din ba ni minsan kung ano ang mararamdaman ko? Tinimbang mo din ba ang pagtingin mo sa akin gaya ng pagtimbang at pagtakwil mo isa-isa sa mga napaglipasan mo ng mga babae? Noong hinalintulad mo ako sa iyong ina, may halaga ba talaga ako noon sa'yo? O kagaya ko'y inihalintulad mo na rin silang lahat sa kanya gaya ng pagpangako mo rin sa kanila ng isang kinabukasang kasama ka? Sinubukan mo din ba kahit kaunti na ibalik sa akin ang pagmamahal na iniukol ko sayo? Nakonsensya ka ba? Ni awa ba may naramdaman ka noong nasaktan mo ako? Noong sinabi mong mahal mo ako, mahal mo ba talaga ako? O mahal mo lang ako dahil ako ang noo'y iyong pangkasalukuyan? Lahat ng yan ay pilit kong dinudugtungan ng kasagutan ngunit isa lang ang alam kong tama.

Mahal kita.
Sa tuwing nasasaktan ako. Sa bawat paghikbi ko, sa bawat kirot. Sa tuwing hinahanap-hanap ko ang mga alaalang ngayo'y bukod sa sira na ay hindi na kailanman maibabalik sa dati nitong kinalalagyan...sa ating mga puso. Gusto ko mang patawarin ang sarili ko, hindi ko magawa. Gusto ko mang tumawa, maging masaya, kalungkutan pa rin at pagkasabik ang aking nararamdaman. Kung kaya lang sanang buhayin ang lahat ng konsensya at paghihinayang. Kung kaya lang sanang bawiin ang lahat ng panalangin at mga dasal. Kung kaya lang sanang ibalik ang lahat ng pagmamahal.


Alam mo bang minahal kita?
Sa kabila ng lahat.. Minahal kita.